May Pinagmanahan
Sabi nila kamukha ko daw ang tatay ko. Parang hindi yata ako makakapayag. Hahaha! Siguro mas kamukha ng tatay ko si Chito – kapatid kong bunso. Pero sabi ng mga pinsan, kamukha ko naman daw si Chito. Pero hindi rin ako makapaniwala. Siguro kasi mataba ako at hindi ko makita kahit saang anggulo ang pagkakahawig naming tatlo. Hahaha!
Sa ugali, siguro meron din akong nakuha sa tatay ko. Pero mas masasabi kong mas marami akong nakuha sa nanay ko. Pasensyoso ako tulad ni Mama. Madali akong kausap. At tingin ko tulad ng nanay ko, logical akong mag-isip. Siguro nga yung sinasabi ng mga tao na sobrang positive ko daw at parang hindi nagkakaproblema, kay Mama ko rin yun nakuha. Pero siyempre may mga araw na bumabagsak din ako sa pagiging positive – tulad na lang ngayon araw na ‘to. Sa mga ganitong panahon, sino pa ba ang pwede mong lapitan at kausapin, kundi yung pinagmanahan mo.
Hindi ako nakatawag sa bahay kahapon, kaya ngayon ako tumawag sa amin. Alam ko ring hindi pumasok si Mama dahil inasikaso niya ang mga papeles nila na matagal ko ng pinapaayos. Tamang-tama dahil pagtawag ko sa bahay ay kakarating lang nila ni Chito. At tamang-tama rin dahil sobrang kailangan ko ng kausap. Sobra! At sabi ko nga kanina, sa mga ganitong pagkakataon, mga magulang mo lang ang pwedeng makaintindi sa’yo at makasagot ng mga tanong na kahit anong gunam-gunam mo ay hindi mo masagot-sagot.
Sa loob ng isang oras ay nagkwento ako kay Mama. Nakinig siyang mabuti. At tulad ng ibang mabuting magulang, sinuportahan niya ang mga gusto kong mangyari sa buhay ko na alam niyang makakabuti sa akin. May sinabi pa siya sa akin na naisip ko bigla kung bakit ba hindi ko naisip yun. Tama si Mama, minsan kailangan mo lang baguhin ang tingin sa mga bagay bagay para ma-solve ang mga problema mo. Kung nasa matino sana akong pag-iisip kanina, malamang naisip ko rin yun. Pero siguro ipinag-adya na rin ng tadhana na magkagulo-gulo ang utak ko para marealise ko na may pinagmanahan ako.